Hindi dahil sa matalino siya kung kaya’t nakakalungkot. Sino ba naman ang hindi matutuwa kung may anak na sa murang edad na dalawa ay kakikitaan na ng isang malalim na persepsiyon at malawak na imahinasyon. Yun na siguro ang isa sa pinakamalaking inaasam ko para sa kanya: ang magkaroon ng isip na kamangha-mangha.
Ang nakakalungkot paminsan, na sa mga araw na nagdaan ay mas napapadalas na, makakaisip siya ng mga bagay na siniseryoso niya kaya’t dapat mo ring seryosohin. Wala sanang problema kung seryoso siya, minsan naman ay seryoso talaga ang tao, kahit na dalawang taon pa lang. Mas partikular kasi ang sinasabi ko sa isang bagay na paulit-ulit niyang sinasabi nitong mga nakaraang araw.
Isang buwan na rin nang dumating kami dito sa Auckland. Halos tatlong linggo na kami sa unit dito sa Old Railway Station – ang dating sentral na istasyon ng tren sa lungsod na sa ngayon ay ginawa nang apartment. Nakakamanghang kung paanong pinanatili ang struktura ng istasyon sa labas at sa lobby kaya’t aakalain mong istasyon pa rin ng tren. May mga nakapaskil ngang paunawa na “This is not the train station” sakaling may mga mag-akala pa rin at mag-abang ng tren hanggang sa mamuti na ang buhok. Kung mahilig ka sa kasaysayan, matutuwa ka sa apartment na ito dahil ang kabuuan niya ay testamento sa kanyang pinagmulan. Kung mahilig ka sa arkitektura, maliligayahan ka sa mga detalye sa kisame at dingding pagpasok mo dagdag pa ang malaking orasan sa gitnang-tuktok ng harap ng gusali. Kung mahilig ka sa kultura, walang problema dahil iba’t ibang lahi ang nakatira dito – Indian, Hapon, Chinese,Eurpeo, mga Kiwi. Pero ang totoong dahilan kung bakit kami andito sa ngayon: ito ay mura na, mura pa. 240 dollars bawat linggo kasama ang tubig at kuryente. Wala ka na yatang makikitang mas mura pa diyan sa bahaging ito ng siyudad na malapit sa unibersidad.
Noong kararating pa lang namin, sa isang student hotel kami naglagi hanggang sa matuklasan naming hindi na kami maaaring mag-extend dahil may nauna na sa amin. Kaya’t sa kabutihang-loob ng mga kaibigang ipinakilala ng mas matagal nang kaibigan na nasa ibang bahagi ng bansa, nagkaroon kami ng bubong sa ibabaw ng bumbunan sa loob ng isa pang linggo hanggang sa mahanap namin ang istasyon ng tren na ito. Noong una pa man, lagi nang binabanggit ni Rio na gusto na niyang bumalik sa “Philippines”. Miss na raw niya si tita. Love na raw niya si tita. Na sa pakiwari ko ay representasyon ng lahat ng kanyang pinagmulan – ang pamilyar na mukha, ang pamilyar na tunog, ang kuwarto naming pula ang isang dingding, ang mga laruan niya, ang mga mall, at lahat-lahat. Lahat-lahat. Na pinili naming iwan pansamantala.
At kahit na noong papaalis pa lang kami ay sabik na sabik siya na nakita namin nang ilang oras din kaming naglagi sa eroplano, inasahan na rin naming aasamin niyang bumalik agad. Kahit pa ipinaliwanag namin ilang buwan bago pa kami umalis na “matagal tayo doon, matagal pa tayo babalik, matagal pa bago mo uli makita sina Mama Luz at tita at tito...” Ano ba naman ang alam ng bata sa tunay na haba ng tatlong taon at least. Kaya’t ayun, ikalawa o ikatlong gabi pa lang namin sa bagong bayan, nag-aaya nang umuwi. Ang tatlong taon, akala niya’y singhaba o sing-ikli lang ng tatlong araw.
Hanggang sa medyo nawala na ang pangungulila nang magkaroon ng mga bagong ginagawa at nagkaroon ng mga makakalaro bukod sa amin sa ilang okasyon. Marahil sa ilang araw na pamamalagi namin sa isang kaibigan na may isa ring anak na mas matanda kay Rio ay nagkaroon muli siya ng isang malaking pamilya. Marahil, sa paglipat namin dito’y naituring na rin niyang isang kakatwang bagong tahanan ang dating istasyon ng tren – mahilig din kasi siya sa tren; pangarap nga niya (isa sa mga ito) ang maging “train engineer”.
Ngunit ngayong mga araw, nagbalik na naman ang pag-asam sa sinilangang bayan. Hindi naman yata ito mawawala kahit kailan. Ngunit mas nakalulugkot nitong mga pagkakataong ito dahil, sabi ko nga, matalino siya.
Marahil ay matagal niya na ring pinag-iisipan kung paano siya makaaalis dito at makababalik sa dating tahanan. Ilang ulit na rin sigurong naglalaro sa isip niya ang mga paraan para maisagawa iyon. Baka nagkaroon siya ng ideya mula ng mga pinanonood na anime at mga pinagkakaabalahang laro. Nahihilig kasi ang bata sa baril-barilan (kahit ayaw namin), mga espada (ilan na nga ba ang meron siya), construction (alam niyang lahat ang tawag sa malalaking makinang panggawa). Isang araw nitong nakaraang linggo, habang papunta na muli siya sa nakagawiang kalungkutang dulot ng pangungulila tuwing papatapos na ang araw, tangan ang isa sa kanyang mga espada, sinabi niya sa isang monotonong tinig: “sisirain ko na ‘to…” Pinukpok niya ang sofa. “Papaluin ko na ‘to…” hinagupit ang mesa. “Sisirain ko na ‘to…” pinukpok ang pader.
“Bakit naman? Hindi naman sa atin ito?”
“Hindi ko na ‘to love. Ayoko na dito.”
“E, bakit mo pinapalo? Baka masira, magbayad pa tayo,” medyo may inis na rin kami.
“Para masira na ‘tong house natin dito. Para wala na tayong house dito. Para babalik na tayo sa Philippines.”
Melankolya ang akmang salita. At sa tuwing aasamin niyang gibain ang silid namin ngayon, sa totoo’y ako ang nadudurog.
Auckland, NZ
November 9, 2010
735PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
haaay. nakakadurog nga, tatay.
hi litol figgy! but things are getting better! no more tears na siya, just the words "uwi na tayo sa Filipina" hehe.
Post a Comment